Nakapunta ka na ba sa makalat na bahay? Anong say mo sa may-ari? Kahit gaano man kalaki o kaliit ang tahanan, ang pagiging malinis ay isang malaking repleksyon ng karakter ng may-ari nito. Unang-una sa lahat, dito tayo nakatira, kaya dapat sinisiguro nating laging malinis ang bawat sulok ng ating tahanan.

Sala

Kasabay ng bonding with ate at kuya habang pinapanood ang paboritong programa, mahalaga na ang sala ay mapanatiling malinis.

• Ugaliing magwalis

• Hangga’t maaari ay huwag ipasok ang mga tsinelas na ginamit sa labas upang maiwasang makapagdala ng mikrobyo sa loob ng tahanan.

Silid tulugan

• Ang mga unan at kutson ay maaaring pamahayan ng iba’t ibang mikrobyo. Ugaliing ibilad ang mga ito, isa o dalawang beses sa isang linggo. Ang sikat ng araw ay makatutulong upang mawala ang mga surot at mapanatili ang magandang kondisyon ng kutson.

• Gawing regular ang pagpapalit ng punda dalawa o tatlong beses sa isang buwan para sa mas malinis at mahimbing na pagtulog.

Kusina

Hindi kailangang gumastos para sa mamahaling disinfectant at iba pang cleaning agents upang masiguro na walang mikrobyong namamahay sa ating lababo.

• Maaaring gumamit ng suka at baking soda para tanggalin ang mantsa, mantika o grasang naiwan sa ating kagamitan.

• Paghaluin lamang ang kalahating baso ng suka at dalawang kutsarang baking soda at maaari na itong i-spray o gamiting pambabad sa nais linising bagay. Maaari itong gamitin sa iba pang bahagi ng inyong tahanan.

Pagsasalansan

• Magkaroon ng kahon o lagayan para sa mga maliliit na kagamitan o kaya’y sa mga bagay na hindi madalas gamitin. Lagyan ng label ang bawat lalagyanan.

• Maaaring gamitin ang mga kahon ng sapatos o iba pang container na makikita sa inyong tahanan.

Paghihiwalay/Pagtatapon ng basura

• Huwag itapon ang mga plastic o paper bag mula sa mga pinamili sa mall o palengke. Gamitin muli itong lagayan ng ating basura.

• Huwag kalimutang ihiwalay ang nabubulok sa nabubulok at itabi ang mga lata, bote, o plastic na maaring i-recycle o i-reuse.

• Siguraduhin lamang na malinis at tuyo ang mga ito upang maiwasan pamahayan ng insekto o iba pang mikrobyo na maaaring pagmulan ng sakit.


image sources: Pexels.com